Friday, October 06, 2006

isang pagninilay-nilay

isusulat ko dito kung paano ko ito isinulat sa isang kapirasong papel habang ako ay nasa bundok at nag-iisa, diretso sa tagalog. hindi ko na isasalin sa wikang ingles...

paano mo nga ba babaguhin ang isang tao sa nakasanayan nya? paano ba makitungo?

bata pa lang ako, alam kong hindi ako pala-halubilo sa mga tao. Sanay akong mag-isa kadalasan. kung ilagay mo ako sa isang grupo, may isa o dalawa lamang akong pagtitiwalaan, yung kaya ko bang kwentuhan ng mga personal na bagay sa buhay ko. yung mga kakausapin, siguro madalang lang. Kung ako ay hindi gaanong ka-interesado sa mga nakikilala ko, ayokong aksayahin ang panahon ng isa't-isa upang makipag-kunwarian lamang.

Mas pinipili kong manahimik kung wala naman akong mahalagang sasabihin at kung wala naman din lang maidudulot sa aking mabuti. Madalas ang pananahimik ko ay napagkakamalang kawalan ko ng interes o di kaya ay kasungitan. Mas gusto ko kasi na makinig...

iilan lamang ang mga taong pwede kong masabi na kilala ang tunay kong pagkatao. Sila yung mga taong kahit hindi ako magsalita ay alam kong naiintindihan nila ang aking nararamdaman.
Madali akong mapa-iyak, madali din naman akong mapatawa. Ang mahirap lamang sa pakikitungo sa akin ay kung bibigyan mo ako ng kahit isang dahilan upang magalit. yan ang ugaling aking pinakaka-iwasan. ayoko ng kaaway o kagalit. mahirap magtiwala muli...

No comments: